Inihahanda na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang gagawing cloud seeding sa ibabaw ng Angat Dam sa Bulacan.
Sinabi ni Engr. Patrick Dizon of the MWSS na nagpadala na sila ng liham sa Bureau of Soils and Water Management at Pagasa para sa planong cloud seeding sa lugar.
Sa kanyang pahayag ay sinabi ng opisyal na maaring abutin sa higit sa P3-Million ang gagastusin para sa cloud seeding program base sa kanilang ginawang kahalintulad na pamamaraan nang tumama sa bansa ang El Niño noong 2015.
Kinakailangan rin umanong may tamang klase ng ulap sa ibabaw ng Angat Dam bago gawin ng cloud seeding.
Ipinaliwanag pa ni Dizon na kailangang magdagdagan na ang tubig sa Angat Dam para hindi ito umabot sa critical level sa kalagitnaan ng buwan ng Abril.
Kapag umabot umano sa nasabing antas ay baka maulit ang problema ng kakapusan ng suplay ng tubig hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa ilang mga kalapit na lugar.