Pormal nang ipinatupad ng Philippine National Police (PNP) ang paggamit ng bagong rank classification sa kanilang hanay.
Sa isang memorandum na may petsang March 25, inutusan ni PNP chief directorial staff Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan ang lahat ng PNP units na gamitin na ang bagong rank classification matapos mailabas ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 11200.
Lahat ng ‘communications’ ay gagamit na ng mga bagong ranggo.
“The following new ranks shall be used in all manner of PNP communications,” ani Cascolan.
Matatandaang pinahinto ni Cascolan ang paggamit ng bagong rank classification noong March 7 dahil wala pang IRR ang naturang batas.
Sa pamamagitan ng RA 11200 ay ibinalik ang dating rank classification ng mga pulis na kahalintulad ng sa militar.