Nat’l budget nilagdaan ni Sotto “with reservations”

Pinirmahan na rin ni Senate President Vicente Sotto III ang enrolled bill ng Kamara para sa 2019 P3.7 Trillion national budget.

Ngunit sinabi ni Sotto na sa kanyang pirma ay isinulat nito na siya ay may ‘reservations.’

Aniya ang kopya na kanyang pinirmahan ay ipapadala na sa Malacañang para masuri naman ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa hiwalay na sulat kay Pangulong Duterte, ipinaliwanag ni Sotto na ipagdiinan niya na ang sinang ayunan ay ang mga naaprubahan lang sa isinagawang Bicameral Conference Committee.

Pagdidiin din nito na sa kanyang palagay ay paglabag sa Saligang Batas ang ginawang ‘internal realignment’ sa pambansang-pondo na ginawa sa Kamara.

Hiniling din niya kay Pangulong Duterte na pag-aralan ang pagbasura sa mga ginawang ‘realignments’ na nagkakahalaga ng P95 Billion, kasama na ang nadiskubreng P75 Billion ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kasama ni Sotto na humarap sa media kanina sina Sen. Ping Lacson, Senate Majority Leader Migs Zubiri at Senate Minority Leader Frank Drilon.

Read more...