Idineklara ng Department of Budget and Management (DBM) na “inoperative in its entirety effective immediately” ang 2019 budget ng Makati City na matagal na binusisi at binago ng grupo ng oposisyon sa Sangguniang Panlungsod bago ito tuluyang maipasa.
Sa liham nito na may petsang March 14, 2019 na nilagdaan ni Director Ruby Muro, ipinahayag ng DBM na ang ipinasang 2019 budget ng lungsod ay nabigo sa pagtalima sa mga budgetary requirements at iba pang mga kundisyon ng batas.
Bunga ng mga depekto ng binagong budget na ipinasa ng mga miyembro ng oposisyon sa Sanggunian, mahigit 10,000 kawani ng pamahalaang lungsod ng Makati ang hindi nakatanggap ng mas mataas na sahod ngayong taon.
Batay sa mga patakaran ng Commission on Elections, ang pagbibigay ng dagdag-pasahod, gantimpala o pribilehiyo sa mga kawani ng gobyerno ay mahigpit na ipinagbabawal sa panahon ng kampanya.
Ayon kay Vice Mayor Monique Lagdameo, matapos na hindi aprubahan ng DBM ang budget, nagahol na sa oras at hindi na naihabol pa ang mga salary increase at iba pang mga proyekto ng lungsod bago magsimula ang election ban.
Isinaad din ng DBM na sa isinumiteng budget ng Konseho, ang kabuuang appropriations ay lumagpas sa estimates of income nang P1.37 milyon, na hindi naaayon sa Section 324(a) of R.A. No. 7160 and Local Budget Circular No. 112 dated June 10, 2016 (Budget Operations Manual for LGUs).
Batay sa probisyon ng Local Government Code (RA 7160), hindi maaaring higitan ng nakalaang badyet ang estimated income.
Pinuna rin ng DBM na ang mga inilaang budget sa ilang mga programa, proyekto at aktibidad sa appropriation ordinance ay mas mataas pa sa mga halagang nakalagay sa aprubadong Annual Investment Program (AIP) ng lungsod.
Naglaan ang mga konsehal sa amended budget ng P52,568,300 para sa Volunteer Management System, na hinigitan ng P49,647,000 ang aprubadong halaga sa AIP na P2,921,300.
Ganundin, ang ibinadyet para sa DRRM Awards na P40,558,794 ay mas mataas ng P22,070,794 kaysa nakasaad sa AIP.
Bigo rin ang binagong budget ng mga konsehal sa pagtalima sa mga batas tungkol sa paggamit ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF), na nagtatakda ng 30-porsiyentong alokasyon para sa Quick Response Fund (QRF). Bunsod nito, kinapos ng P841,806 ang pondong inilaan para sa QRF, habang sumobra naman ng kaparehong halaga ang budget para sa Disaster Preparedness and Mitigation Fund (DPMF).
Ang mga tinukoy ng DBM na depekto at hindi pagkakatugma sa budget na isinumite ng Konseho ay kapareho ng mga nakalagay sa veto message ni Mayor Abby Binay sa pagsalungat sa budget na binago at ipinasa ng opposition councilors.
Subalit binalewala ng mga naturang konsehal ang mga kamaliang ito at ipinagpilitang ipasa ang kanilang bersyon ng budget.
Ang opposition councilors ay kinabibilangan nina Councilors Nemesio Yabut, Jr., Divina Jacome, Shirley Aspillaga, Grazielle Iony de Lara-Bes, Ferdinand Eusebio, Leonardo Magpantay, Romeo Medina, Nelson Pasia, Arlene Ortega, Mary Ruth Tolentino, Marie Alethea Casal-Uy, at Evelyn Delfina Villamor.