Pope Francis nagtalaga ng dalawang bagong obispo

CBCP photos

Dalawang paring Filipino ang itinalaga ni Pope Francis bilang bagong mga obispo.

Ayon sa CBCP, alas-7:00 ng gabi sa Pilipinas nang ianunsyo ng Santo Papa na si Fr. Cosme Almedilla ang magiging bagong obispo ng Diocese of Butuan habang si Fr. Leo Dalmao ang bagong obispo ng Prelature of Isabela sa Basilan.

Si Almedilla ay inordinahang pari noong August 4, 1987 at kasalukuyang pari para sa Diocese of Talibon.

Nagtapos ang bishop-elect sa St. John XXII College Seminary sa Malaybalay City at sa Loyola School of Theology (LST) sa Ateneo De Manila University.

Kilala ang bagong obispo sa pagtataguyod sa Basic Ecclesial Community movement at naitalaga ito bilang Assistant Pastoral Director ng Talibon.

Si Almedilla ang kapalit ni Bishop Juan de Dios Pueblos na pumanaw noong October 2017.

Samantala, si Dalmao naman ay hindi bago sa Prelature of Isabela dahil nauna na itong naipadala sa Basilan bilang project coordinator para sa mga Samal-Badjau.

Papalitan ni Dalmao si Martin Jumoad na naitalaga bilang arsobispo ng Ozamis noong October 2016.

Ang bishop-elect ay isang Claretian priest at ang kauna-unahang Filipino Claretian na naitalaga bilang obispo.

Kasalukuyang naninilbihan si Dalmao bilang consultor and prefect of formation sa Istituto Guiridico Claretiano in Rome, Italy.

Siya rin ang kauna-unahan at katangi-tanging paring Filipino na naihalal sa general government ng Claretians sa buong mundo.

Read more...