Mayroong bagong benepisyo ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) sa ilalim ng Social Security Act of 2018.
Sa ngayon ay inaayos na ang implementing rules and regulations (IRR) ng bagong batas na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang buwan.
Sa ilalim ng bagong batas, idaragdag ang unemployment benefits sa umiiral na anim na benepisyo para sa SSS members.
Bukod sa maternity leave, sickness, funeral, death, permanent disability at retirement, tatanggap na rin ng unemployment benefits ang eligible members.
Ang pwede sa bagong benepisyo ay makakatanggap ng halagang katumbas ng 50 percent ng kanyang buwanang sweldo ng hanggang 2 buwan.
Ayon sa SSS, ang empleyado ay pwedeng mag-avail ng unemployment benefits kung siya ay involuntary na nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng kumpanya, redundancy, retrenchment o kung dumanas ng “inhumane treatment.”
Sa ilalim ng probisyon ng batas, ang eligible SSS member ay dapat hindi mahigit sa 60 anyos at nakabayad ng hanggang 36 buwan na halaga ng kontribusyon kung saan 12 buwan dito ay nasa 18-month period bago ang involuntary unemployment o separation from work.
Gayunman, ang dagdag benepisyo ay mangangahulugan naman ng pagtaas ng kontribusyon sa 12 percent mula 11 percent na magiging epektibo sa Abril.
Ayon sa SSS, hindi sila maaaring magdagdag ng benepisyo nang hindi magtataas ng kontribusyon ng mga miyembro.