Manila Water pormal nang inireklamo sa MWSS dahil sa water crisis

Pormal nang naghain ng reklamo laban sa Manila Water ang mga militanteng grupong BAYAN at Bayan Muna kasama ang ilang consumers dahil sa naranasang kakulangan sa suplay ng tubig sa Metro Manila.

Inihain ang formal complaint sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) araw ng Lunes.

Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, dapat patawan ng kaukulang multa ang Manila Water dahil sa kabiguan nitong magbigay ng tuloy-tuloy na serbisyo sa tubig.

Giit ni Reyes, dapat hindi na pagbayarin ang consumers ng basic charge sa bill sa panahon na naganap ang water shortage.

Iginiit ng grupo na kulang pa nga ang hindi pagsingil ng isang buwang water bill kumpara sa ginastos sa pagbili ng drum, timba at bottled water.

Bukod dito, dapat din umanong magkaroon ng public hearings upang malaman ang lawak ng perwisyong naidulot ng water shortage para madetermina ang dapat na multa.

Samantala, iginiit naman ni MWSS Chief Regulator Atty. Patrick Ty na limitado lamang ang kanilang pwedeng gawin at hindi sila pwedeng magpataw ng multa sa ilalim ng concession agreement.

 

Read more...