Iyan ang madalas na tanong ng mga magsasaka ng niyog sa Baybay City sa lalawigan ng Leyte sa harap nang mababang presyuhan ng kopra sa lungsod.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Mang Teofani Lofraco, coconut farmer at residente ng Barangay Sapa ay sinabi nitong hirap ang kanilang kabuhayan dahil sa binabarat ang kopra.
Sabi naman ng magsasaka na si Mang Roel, wala silang ibang pagpipilian kundi magsaka pa rin ng niyog dahil wala naman silang ibang alam na pangkabuhayan.
Aniya, kahit talo sila sa pagod at oras sa pagkokopra ay kailangan niya itong gawin para hindi magutom ang kanyang pamilya.
Ganito rin ng hinaing ng mga residente ng Barangay Altavista na ayon sa Barangay coordinator na si Annabel Concillo, minsan hirap silang pagkasyahin ang kita mula sa kopra para sa pang araw-araw nilang pangangailangan.
Ang Barangay Sapa at Altavista ay kabilang sa mga remote barangays sa Lungsod ng Baybay, Leyte.
Ayon pa sa mga magsasaka, dahil sa pagiging malayo nila sa merkado ay lalo pang nadadagdagan ang kanilang gastos sa pag-transport ng kanilang mga produkto katulad ng kopra.
TUGON SA KAHIRAPAN
May naisip na potensiyal na solusyon si Atty. Levito Baligod, tumatakbo sa pagka-Alkalde sa Lungsod ng Baybay para maibsan ang kahirapan at maibalik ang dignidad ng mga residente.
Ayon kay Baligod, kilalang anti-corruption advocate, kailangan magkaroon ng value-added ang pino-produce na kopra ng mga magsasaka.
Aniya, sa halip na simpleng kopra lamang ay gawing virgin coconut Oil ang niyog, gawing activated carbon ang coconut shell at coconut coir o fiber naman ang bunot ng niyog.
“Kailangan merong involvement ang mga Kababayan natin dito. Involvement para kinabukasan nila ay mas maliwanag, bigyan natin sila ng pag-asa. Meron naman tayong programa na naiisip para sa kanila at ito ay lagi kong ibinabahagi tuwing namamasyal ako sa kanila. Halimbawa dito sa niyugan, ang sikreto dito ay magkaroon ng value-added ang kanilang produkto” paliwanag ni Baligod.
COOPERATIVISM
Sabi ni Baligod, ang pag-unlad ng mga residente lalo na ng mga magsasaka sa Baybay City ay dapat nakaangkla sa livelihood opportunity sa pamamagitan ng cooperativism.
“Magpapatayo tayo ng kooperatiba sa bawat Baranggay, bibigyan natin sila ng financial support, training support, Management etc…para makapaghanap-buhay sila, instead Of simpleng kopra ang ibenibenta kailangan meron nang value-added, virgin Coconut Oil for example, kasi halimbawa ang isang kilo ng kopra ay P9 to a high Of P19, e kung gawin mong vco yan dalawang niyog lang ang kailangan mo meron ka ng 200ml. na virgin coconut oil. Ang 200ml. pagtumingin kayo halimbawa sa Mercury Drug mahigit P200 ang isa niyan, so yun yung gusto nating i-create na oppurtunities para sa mga local farmers natin” tugon pa nito.
Dagdag pa ng Mayoralty Candidate ng Baybay City, “Yung processing plant may kamahalan yan pero we will do it systematically in such a way [that] yung mga farmers mismo ay mayroon stake doon sa planta, para mutually reinforcing yung sistema. We should create a complete loop from the planting of coconut hanggang sa pag-market,kailangan complete ang loop niyan.”
Sabi pa ni Baligod, sa P400 million kada taon na development fund ay bibigyan niya ng tig-P1 milyon ang bawat kooperatiba sa kada barangay sa Baybay City at ito aniya ay para palaguin.
Aniya, sa halip na pawang waiting shed, sports complex at gymnasiums ay hanapbuhay ang dapat unang tugunan sa lungsod lalo na sa mga mahihirap na mga komunindad sa 92 barangay ng siyudad.
DAHILAN NG KAHIRAPAN
Iginiit din ni Baligod na ang “corruption” ang ugat ng kahirapan ng maraming mamamayan ng Baybay.
“Kasi ang pera na para sa bayan napupunta sa interes nila, halimbawa yung infrastructure e sila rin yung contractor e, yung mga politiko rin….you address corruption, you address the lack of livelihood opportunity and you address the education system, and finally, you should also address the values Of the People.”
Isa pa aniya sa dahilan ng paghihirap ng mga residente ay ang political culture ng Feudalism na umiiral sa Baybay City sa matagal nang panahon.
“Palagay ko sinasadya na mahirap ang buhay ng mga Baybayanons para matuto silang umasa sa mga nakaupo. Umasa sila sa kanilang ikakabuhay, mula pagka- panganak hanggang mamatay sila at kung hindi ka sumunod sa gusto nila ay hindi mo makukuha ang basic needs mo”
Aniya, sa abot ng kanyang makakaya ay hihikayatin niya ang mga taga-Baybay na magising at matutong ipaglaban ang kinabukasan ng kanilang mga anak, dahil kung hindi aniya nila ito gagawin wala silang ipapamana sa kanilang mga anak, sa kanilang mga apo kundi ang kahirapan.
TRADITIONAL POLITICS
Tanong pa ni Atty. Baligod, anong magagawa ng mga waiting shed, barangay gymnasium at sports complex kung nagugutom ang mga tao?
Ang mga naturang proyekto aniya ay ang madalas na gawin ng mga tradisyunal na mga pulitiko.
“Kaya nga livelihood program ang isasakatuparan natin dito, kasi kung may income ang mga Kababayan natin definitely merong tax, kung may tax kana saka mo palang ipatayo ang mga secondary needs ng mga tao. Unahin natin yung Basic needs yung pagkain, Health, yung education, unahin natin yun bago waiting shed” dagdag pa nito.
DUTERTE’s SUPPORT
Naniniwala rin si Baligod na malaking factor ang pag-endorso sa kanya ni Pangulong Duterte bilang kandidato sa pagka-alkalde ng baybay.
“I want to identity myself with the Programs Of the President. Hindi naman ito personalan, I am for President’s anti- drug war, anti-poverty program and graft corruption program, and I see in him as model politician na who [has] fixed his side on a given target at na kahit sinuman ang mag-criticize sa kanya tuloy-tuloy pa rin siya sa gusto niyang gawin…at sa tingin ko dahil sa character ng ating presidente na ganyan ay yung mga Filipino ay umaasa na bigyan ni President ang ating mga Kababayan ng pag-asa at yun yung importante.”
ANTI-CORRUPTION ADVOCATE
Kumpiyansa si Baligod na makatutulong sa kanyang kandidatura ang kampanya niya kontra katiwalian sa gobyerno.
“Sa palagay ko makatutulong iyan in the sense na naniniwala ang ating mga Kababayan dito na i am a credible anti-graft advocate, alam nila na noong kapanahunan ng PDAF scam ay nag-offer si Ginang Napoles ng P300M, yung mga pulitiko nag-offer yang mga ‘yan lahat pero tinanggihan ko.”
“So, nakakatulong yan para ma-assure, mapalagay ang ating mga Kababayan dito na hindi ako magnanakaw sa puwesto dahil tinanggihan ko nga ang hundreds of millions e” pagtatapos ni Baligod.