Manila Water pinagbabayad ni Rep. Villarin dahil sa pagkalugi ng mga ospital ng gobyerno

Inoobliga ni Akbayan Rep. Tom Villarin ang Manila Water na magbayad sa Department of Health (DOH) ng P4 milyon para sa pagkalugi ng mga pampublikong ospital dulot ng water crisis sa Metro Manila.

Ayon kay Villarin, dapat ibalik ng Manila Water sa normal ang tubig sa Metro Manila at at ibalik din ang malaking pera dulot ng kapalpakan nito.

Nauna nang ibinunyag ng DOH na anim na pampublikong ospital ang nalugi ng P4.116 milyon sa pagitan ng Marso 8-18 habang nasa kasagsagan ng water crisis.

Kabilang dito ang Rizal Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, National Kidney and Transplant Institute (NKTI), National Center for Mental Health, East Avenue Medical Center, at ang Amang Rodriguez Memorial Medical Center.

Ang nasabing mga ospital umano ay nagdagdag na operational costs na nagkakahalaga ng P1.372 milyon habang ang Rizal Medical Center at ang NKTI ay nalugi ng P630,000 at P1.75 milyon sa revenues, dahil na rin sa naglimita sila ng mga pasynte dahil sa water shortage mula Marso 12.-18.

Paliwanag pa ng kongresista, na nagbabala din ang health experts na ang kakulangan sa suplay ng tubig ay maaaring mag-resulta sa pagtaas sa kaso ng dengue habang ang mga gumagamit naman ng maduming tubig ay lantad sa mga sakit tulad ng diarrhea, cholera at dysenteria.

Nanawagan din si Villarin sa water concessionaire na kaagad ibalik sa normal ang serbisyo ng tubig at huwag nang pagbayarin pa ang mga consumer nila na lubhang naapektuhan ng krisis sa tubig.

Read more...