Lebel ng tubig sa Angat Dam inaasahang babagsak sa 180 meters sa katapusan ng Abril

INQUIRER file photo

Posibleng umabot sa 180-meter low ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa katapusan ng Abril ayon sa PAGASA hydrology division.

Ayon kay hydrologist Gine Nievares, ang projection ay batay sa lingguhang average deviation ng lebel ng tubig sa Angat Dam, monthly rainfall forecast at kasalukuyang alokasyon para sa irigasyon at domestic use.

Kahapon, araw ng Linggo, nasa 195.91 meters ang lebel ng tubig sa Angat, mas mababa sa 196.24 noong Sabado.

Sa kabila nito, sinabi ni Nievares na kahit maabot ng Angat Dam ang 180-meter low water level, mananatiling normal ang suplay ng domestic water.

Anya, kung maabot man ng dam ang 180-meter level, pansamantalang ihihinto ang paglalabas ng tubig para sa irigasyon sa Bulacan at Pampanga base sa protocol ng National Water Resources Board’s (NWRB).

Prayoridad umano ang water supply para sa domestic use sa Metro Manila kaysa irigasyon at power generation.

Pero kung aabot sa 160-meter critical level ang tubig sa Angat Dam, dito na maaapektuhan ang supply ng tubig sa Metro Manila.

Ang 96 percent ng domestic water needs ng Metro Manila ay isinusuplay ng Angat Dam.

Huling naabot ng dam ang 160-meter critical level taong 2010.

Kasabay nito, nanawagan ang PAGASA sa mga residente sa Metro Manila na magtipid sa paggamit ng tubig.

Read more...