Sa kanyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Cagayan de Oro, sinabi ni Duterte na ang naturang bilang ay validated na.
Anya pa, sa kada paggamit ng iligal na droga, bawat Filipino ay gumagastos ng P200 hanggang P6,000 kada buwan.
“There are at least 1.6 (million) drug users and addicts, validated na. One hit daily would cost P200 or P6,000 a month,” ani Duterte.
Tanong ng presidente sa publiko kung masaya ba ang mga ito na may 1.6 milyon na nagpapaalipin sa shabu.
“Tell me if you are happy, if I tell you now that we have 1.6 million slaves, Filipino slaves to a drug called shabu,” dagdag ng pangulo.
Ang datos ayon kay Pangulong Duterte ay sakop lamang ang Metro Manila at nabuo sa ilalim ng panunungkulan ni dating PNP Chief at ngayo’y senatorial candidate Ronald Bato Dela Rosa.
Dismayado ang presidente dahil maaari sanang nagamit ang bilyong pisong ginastos sa shabu para sa pagkain at edukasyon ng mga pamilyang Filipino.
Sinabi ni Duterte na nasisira ang isang pamilya kung ang isang miyembro nito ay nasasangkot sa bawal na gamot.