Iginiit ni Kabataan Party List Rep. Terry Ridon na dapat ma-convict si Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, at makulong sa regular na piitan dito sa Pilipinas.
Ang pahayag ni Ridon ay bunsod ng inaasahang promulgation ng Olongapo City Regional Trial Court (RTC) kay Pemberton, ang suspek sa pagpatay sa Transgender na si Jennifer Laude.
Binigyang diin ng Ridon na kailangang maparusahan si Pemberton alinsunod sa batas ng Pilipinas, at mapasailalim sa kustodiya ng mga kaukulang institusyon sa bansa.
Muli ring nanawagan ang militanteng kongresista kay United States President Barack Obama na sa lalong madaling panahon ay mag-isyu ng isang executive order na mag-aatas ng paglilipat ng kustodiya kay Pemberton sa mga otoridad dito sa Pilipinas, matapos mabasahan ng sakdal.
Sa panig naman ni Gabriela PL Rep. Luz Ilagan, umaasa ang maraming Pilipino na maisisilbi ang hustisya.
Babala ni Ilagan, “big blow” sa sovereignty at independent foreign policy ng Pilipinas kapag napalaya si Pemberton.
Sa ngayon, nasa Olongapo City ang mga miyembro ng Gabriela kasama ang iba pang mga grupo para magpakita ng suporta sa pamilya Laude.