Suspek sa pagpatay kay Christine Silawan, pinalaya

CDND photo

Sa mismong araw ng libing ni Christine Silawan, pinalaya ng Lapu Lapu City Prosecutor’s office ang 17 anyos na suspek sa pagpatay sa dalagita.

Mula sa Home Care Facility ng Lapu Lapu City Social Welfare and Development ay pinalaya ang suspek dakong 12:45 Sabado ng hapon sa gitna ng libing naman ng dalagita.

Naglabas ang piskalya ng Omnibus Motion para sa kalayaan ng suspek sa dahilang hindi umano nasunod ang legal na proseso sa pag-aresto rito.

Ayon sa Lapu Lapu City Prosecutor’s office, invalid ang ginawang pag-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil wala itong warrant.

Ikinagulat at ikinalungkot naman ng pamilya Silawan ang pagpapalaya sa suspek.

Gayunman ay nais ng mga kaanak na makulong ang binatilyong suspek alinsunod sa tamang proseso para tiyak na hindi mababasura ang kaso dahil sa technicality.

Ang desisyon ng Prosecutor’s office ay batay sa mosyon na inihain ng abogado ng suspek na si Atty. Vincent Isle na humiling ng paglaya ng 17 anyos na suspek habang nakabinbin ang resolusyon sa kasong murder na isinampa ng NBI.

Ikinatwiran ng abogado na invalid ang pag-aresto sa kanyang kliyente dahil inilagay ito sa kustodiya ng mga otoridad ng walang warrant.

Inaresto ng NBI ang suspek sa bahay nito sa Barangay Maribago, Lapu Lapu City noong March 16, pitong araw matapos patayin si Silawan.

CDND photo

Pinagbatayan ng NBI ang mga CCTV footages kung saan makikita umano na ang suspek ang huling kasama ng dalagita bago ito pinatay.

Read more...