(UPDATE) Umakyat sa anim ang bilang ng nasawi sa aksidente sa NLEX viaduct northbound Sabado ng hapon.
Ayon kay Toll Regulatory Board (TRB) spokesperson Alberto Suansing, mula sa lima na unang naiulat ay anim na ang kumpirmadong namatay sa aksidente.
Wala pa anyang impormasyon sa pagkakilanlan ng mga biktima na dead on the spot sa aksidente.
“Ang latest report, anim ang patay. Lahat yun pasahero ng van. Dead on the spot,” ani Suansing.
Sa sampung nabalitang sugatan ay nasa lima pa ang patuloy na inoobserbahan sa ospital at isa sa mga ito ay nasa kritikal na kundisyon.
Alas 12:18 ng hapon, bumaligtad sa NLEX viaduct sa Brgy. Tabuyuc sa Apalit, Pampanga ang sinasakyang Hyundai H100 van ng mga biktima na sinasabing mga overseas Filipino workers na paalis na ng bansa.
Sa panayam, sinabi ni Apalit Municipal Police Station commander Lt. Col. Elmer Decena na sumabog ang isa sa mga gulong na sinasakyan ng mga biktima kaya nawalan ng kontrol ang driver nito.
Ilang beses rin umanong bumaliktad ang nasabing van sa ibabaw ng viaduct na nagresulta sa kamatayan ng mga biktima.
Tumilapon umano ang limang pasahero ng van na agad nilang ikinamatay habang ang isa pa ay nasawi sa kahabaan ng expressway bago makarating sa ospital.
Sinabi ni Suansing na kinukumpirma pa ng otoridad ang dahilan ng pagsabog ng gulong ng sasakyan pero hindi isinasantabi ang posibilidad na over-speeding o mabilis ang takbo ng van.
“Sumabog yung left rear tire, most probably may diperensya yung gulong or most probably matulin yung sasakyan,” dagdag ni Suansing.
Ang nasabing aksidente ay lumikha ng mabagal na daloy ng trapiko sa Northbound lane ng NLEX kung saan ay umabot sa Pulilan, Bulacan ang pinakadulo nito.