Halos 2 linggo matapos ang kanyang karumal-dumal na kamatayan, inilibing na ang 16 anyos na si Christine Silawan, ang dalagitang natagpuang patay, binalatan ang mukha at tinanggalan ng ilang bahagi ng katawan sa Lapu Lapu City, Cebu.
Sabado ng hapon ay inihatid sa huling hantungan si Silawan sa Cattleya Cemetery sa Cordova, Cebu.
Ayon sa pulisya, daang daang katao ang nakilibing sa pamilya Silawan at nakasuot ang mga ito ng T-shirt na may nakasulat na #JusticeforChristine bilang pagkondena sa sinapit ng biktima.
Sa gitna ng libing ay nawalan ng malay ang ina ni Christine na si Lourdes kaya dinala ito sa van ng Emergency Medical Response Team.
Nagkamalay kalaunan si Ginang Silawan at itinuloy ang paglilibing sa dalagita.
Ayon sa tiyahin ni Christine na si Hermina Silawan Garcia, nagkakaisa ang kanilang pamilya sa layong mabigyan ng katarungan ng pagkamatay nito.
Sinabi naman ng lolo ng dalagita na si Sulyo Silawan na kahit may parusang kamatayan, kung hindi naman maaaresto ng mga otoridad ang tamang suspek ay wala ring katarungan para sa kanyang apo.