Duterte tatanggap ng higit P100,000 na dagdag sahod ngayong taon

Tatanggap si Pangulong Rodrigo Duterte ng higit P101,000 na umento sa kanyang sweldo ngayong taon matapos niyang aprubahan ang kautusan ukol sa paglalabas ng pondo para sa ikaapat na bugso ng salary increase sa mga nagtatrabaho sa gobyerno.

Pinirmahan kamakailan ng Pangulo ang Executive Order No. 76 para sa pondo sa dagdag sahod ng government workers sa gitna ng hindi pa naipapasang 2019 national budget.

Sa ilalim ng EO No. 201 ni dating Pangulong Noynoy Aquino, dapat ay tumanggap na ang mga empleyado at opisyal ng pamahalaan ng ikaapat at huling bugso ng salary hike noong Enero.

Pero hindi mailabas ang pondo para sa dagdag sahod dahil sa delay sa pag-apruba sa national budget ngayong taon, dahilan kaya inilabas ni Duterte ang EO No. 76 na nag-authorize sa gobyerno na maghanap ng pondo para sa umento sa ilalim pa ng 2018 budget.

Noong nakaraang taon ay nasa P298,083 ang sweldo ng Pangulo kasunod ng ikatlong bugso ng salary increase.

Ito ay nakatakdang maging P399,739 ngayong 2019 o pagtaas ng P101,656 kung saan ang dagdag sahod ay retroactive mula January 1.

Si Duterte na nasa Salary Grade 33 ay ang unang Pangulo na nagbenipisyo sa EO sa salary increase.

Read more...