Pamamaril sa bahay ni Bato, Leyte ex-mayor Luis Kuizon pina-imbestigahan na ng Leyte Police Provincial Office

CTTO

Ipinag-utos na ng Police Provincial Office sa lalawigan ng Leyte ang imbestigasyon sa pamamaril sa bahay ng dating alkalde sa bayan ng Bato, Leyte na si Luis Kuizon.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Leyte Police Provincial Director, Senior Supt. Rolando Bade, na inatasan na niya ang Bato, Leyte Municipal Police Station sa pamumuno ni Police Inspector Allan Novales na masusing imbestigahan ang insidente.

Aniya, dapat malaman ang motibo sa pangyayari na naganap pasado alas 6:30 gabi ng Marso 20, 2019 sa bahay ni Kuizon.

Sabi ni Bade, kahapon , Marso 21 ay may mga testigo na aniya at eye witness na nagtungo sa tanggapan ng pulisya sa munisipalidad ng Bato para ilahad ang kanilang nalalaman hinggil sa insidente.

Kasalukuyan aniyang isinasagawa ang progress report may kinalaman sa pangyayari.

Sa hiwalay na panayam ng Radyo Inquirer, Ikinuwento ng dating alkalde na si Kuizon na habang nasa labas siya ng kanyang bahay sa Jacinto Street at kakuwentuhan ang staff ni Leyte 5th district congressional candidate Marilou “Malot” Baligod na si Johnson Mendiola ay may dalawang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo ang bigla na lamang nagpaputok ng baril sa di-kalayuan.

Aniya, sa kabutihang palad ay hindi sila tinamaan ng bala at sa halip ay tumama ito sa kanyang bahay.

POLITICALLY MOTIVATED

Iginiit ni Kuizon na wala siyang ibang maisip na motibo sa pamamaril noong Marso 20, 2019 kundi ang Pulitika. Iyan ay dahil nakilala umano niya ang back-rider ng motorsiklo na si Mark Nile Gertos alyas “macmac” na kapatid ng kasalukuyang alkalde ng Bato, Leyte na si Bryan Nile Gertos.

Sabi ni Kuizon, makatutunggali din kasi niya sa darating na halalan sa pagka-alkalde ang ama ni Mark Nile na si Vice Mayor Nathaniel Gertos.

Si Kuizon ay una nang naglingkod sa bayan ng bato bilang alkalde mula 2001 hanggang 2010.

Samantala, Habang isinusulat ang balitang ito kinumpirma ni Kuizon na nakatakda silang maghain ngayong araw ng biyernes ng March 22, 2019 ng kasong frustrated murder laban kay Mark Nile.

TUMUGON SA UTOS

Nagtungo ngayong araw na ito ng biyernes, March 22, 2019 sa bahay ni dating Bato, Leyte Mayor Luis Kuizon ang mga imbestigador mula sa Bato Municipal Police Station para imbestigahan ang insidente ng pamamaril.

Sinabi ni Police Inspector Allan Novales sa Radyo Inquirer, na siniyasat nila ang crime scene para alamin ang lahat ng anggulo sa pamamaril kabilang na ang pagtanong-tanong sa mga posibleng nakasaksi sa insidente.

Batay aniya sa kanilang police blotter report noong Marso 20, 2019 dalawang complainant ang nagtungo sa kanilang himpilan para ipatala ang pangyayari. kinilala ang mga nagrereklamo na sina Jose Abelleza at Crispin Noveda na naroon din sa lugar kasama nang mangyari ang pamamaril.

Ginamit anila na gate-away vehicle ng mga suspek ang kulay itim na motorsiklo na may naka-angkas na lalaki na naka-kulay puting T-shirt.

Samantala, sinabi ni Novales na kabilang sa mga narekober nilang ibedensiya sa pinangyarihan ng pamamaril ay isang basyo ng bala ng kalibre .45 at hindi pumutok nab ala ng kalibre .45.

PALPAK NA CCTV

Bigo naman na makakuha ang pulisya ng kopya ng CCTV Footage mula sa tanggapan ng alkalde ng Bato, Leyte kung saan naroon ang main server ng lahat ng kuha ng CCTV Footage sa mga pangunahing kalsada sa munisipalidad.

Ayon sa administrative aid-1 ng munisipyo na si Gabriel Taviera, IT-incharge, kasalukuyang nakararanas ng technical problem sa playback system ang kanilang CCTV.

Read more...