Nailigtas ang nasa 11 menor de edad kabilang ang 2-taong gulang na bata sa anti-human trafficking operations sa magkahiwalay na lugar sa Lapu-Lapu City at sa Cebu.
Naaaresto din sa nasabing operasyon ang limang mga kababaihan na nasa likod ng pang-aabuso sa mga kabataan.
Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center-Visayas Field Unit (WCPC – VFU) at Lapu-Lapu City Police Office katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD -7) at ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang dalawang bahay sa Lapu-Lapu city.
Nahuli pa ang mga suspek sa akto na nag-aalok ng livestream videos ng mga bata sa kanilang mga kostumer sa pamamagitan ng internet.
Pito sa mga menor de edad na nasa idad na 2 hanggang 12 ang nailigtas sa Lapu-Lapu City habang ang lima ay nasagip sa follow-up operation sa Cebu City.