PDEA: Ilang mga hukom, artista at mediamen sangkot sa droga

Inquirer file photo

Inamin ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na sumasailalim na sa validation ang pangalan ng dagdag pang mga personalidad na isinasangkot sa iligal na droga.

Ipinaliwanag ni Aquino na kabilang sa listahan ang ilang mga judges, prosecutors, artista at media personalities.

Iba pa ito sa mga pangalang kabilang sa National Drug Information System (NDIS).

Sinabi ni Aquino na ang President Rodrigo Duterte o PRRD list ay verified list ng mga personalidad na sangkot sa mga sindikato ng droga samantalang ang NDIS ay dadaan pa sa kanilang masusing imbestigasyon.

Oras na maging verified ang kanilang mga natanggap na tip ay kaagad nilang ihahanda ang case build-up para makasuhan ang nasabing mga personalidad.

Nilinaw rin ng opisyal na maingat ang pangangalap nila ng mga impormasyon sa mga taong inaakusahan sa sabit sa droga.

Iba-iba rin ang sinasabing involvement ng mga ito ayon pa sa pinuno ng PDEA.

Ayon kay Aquino, ang ilan sa kanilang mga nasa listahan ay protector lamang samantalang ang ilan naman ay nagsisilbing financier o kaya ay mismong drug lord na maituturing.

Read more...