Ibinasura ng Malacañang ang panawagan ng ilang kongresista na humihimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na gumawa ng hakbang para matapos na ang bangayan ng Kongreso ukol sa 2019 national budget.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, malinaw ang utos ng pangulo na ang mga mambababatas ang magresolba sa kanilang problema.
Wala na aniyang balak ang pangulo na kausaping muli ang mga mambabatas.
Matatandaang kamakailan lamang, ipinatawag ng pangulo ang mga kongresista at mga senador para ayusin ang budget subalit wala ring nangyari.
Hindi kasi pinapaboran ng Senado ang budget dahil pinakialaman pa ng Kamara ang bicameral conference committee report sa pambansang pondo.
Una rito, sinabi ni Finance Sec. Carlos Dominguez na nasasaktan na ang ekonomiya ng bansa dahil sa ngayon, reenacted budget pa ang ginagamit ng gobyerno.
“Well, the President is not making any move. His last statement was, ‘Solve it on your own”, ayon pa sa kalihim.