WATCH: Mayor Leonardia ng Bacolod City hindi kasama sa narco-list ayon kay Pangulong Duterte

Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi kasama sa narco-list ang isang Mayor Leonardia sa Bacolod City.

Sa halos limang minutong video message na ibinahagi sa official Facebook page ni Pangulong Duterte, sinabi nito na hindi niya pinangalanan si Mayor Leonardia na isa sa mga pulitiko na sangkot sa ilegal na droga.

Nabatid na ang tinutukoy ni pangulo na Mayor Leonardia ay si Mayor Evelio Leonardia na tumatakbong muli sa pagka-mayor sa Bacolod City.

Ayon sa pangulo, mistulang ginamit lang ang kanyang pangalan ng isang nanggagalang “Mayor Monico” para palabasin na binanggit niya si Leonardia sa narco-list.

Napag-alaman na ang tinutukoy ng pangulo na Mayor Monico ay si dating Mayor Monico Puentevella na tumatakbong kongresista ngayon.

Paliwanag ng pangulo, nabanggit lang niya si Leonardia nang ikwento niya na pinatawag niya noon ang mga mayor sa Palasyo kung saan naroroon ang Bacolod mayor.

Dagdag ng pangulo, pinag-splice o pinutol-putol, inedit at pinaghalo halo ang kanyang mga talumpati noon para palabasin na pinangalanan niya si Leonardia na kasama sa narco-list.

Katunayan ayon sa pangulo, sinusuportahan niya si Leonardia sa pagkamayor dahil para sa kanya ay mas magaling at mas tapat si Leonardia na kandidato.

Read more...