3 menor de edad na patungong Saudi Arabia naharang ng BI Officials sa NAIA

Naharang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na pawang wala pa sa hustong gulang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay BI port operations division chief Grifton Medina, ang tatlong OFWs na pawang kababaihan ay sinita sa NAIA terminal 1 noong nakaraang araw ng linggo habang papasakay sa Gulf Air flight patungong Saudi Arabia.

Tumanggi naman si Medina na pangalanan ang mga pasahero salig sa panuntunan ng anti-trafficking law na nagbabawal na banggitin ang pagkakakilanlan ng mga biktima ng trafficking.

Ang mga biktima ay isinalin na sa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa masusing imbestigasyon.

Sinabi ni NAIA 1-BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) head supervisor Glenn Ford Comia, pawang nakapag-presinta ng valid overseas employment certificates, job contracts at working visas ang mga biktima.

Gayunman, dinaya aniya ang impormasyon sa pasaporte ng ito partikular na ang petsa ng kanilang kapanganakan.

Read more...