Hatol na pagkakakulong sa isang Irish national na nahulihan ng marijuana, pinagtibay ng SC

Kinatigan ng Korte Suprema ang hanggang 14 na taong pagkakulong laban sa isang dayuhan na nahulihan ng dalawang stick na marijuana sa security checkpoint sa departure area ng Laoag City International Airport, Ilocos Norte noong 2013.

Batay sa 36 na pahinang desisyon na isinulat ni Justice Diosdado M. Peralta, ng Supreme Court Third Division pinagtibay ang hatol ng Court of Appeals at Laoag City RTC Branch 13 na nagpatunay na nilabag ng 53-anyos na Irish national na si Eanna O’Cochlain ang Section 11, Article II Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa pagpapatibay sa conviction laban sa dayuhan, pinaliwanag ng SC na balido ang lahat ng proseso na isinagawa laban sa akusado gaya ng pagpayag nito na sumailalim sa regulasyon ng immigration law ng bansa katulad nang pagpalanatili sa peace and order at pagrekisa sa kanyang mga bagahe gayundin ang pagsasagawa ng warrantless search at pagkapkap sa kanyang katawan.

Pinaliwanag din sa desisyon ng mataas na hukuman na nasunod rin ng law enforcement sa immigration ang chain of custody rule na dito ay napreserba ang nakuhang ebidensiya na nagpapatunay sa pagdadala ng akusado ng dalawang stick ng marijuana na mahigpit na ipinagbabawal sa bansa.

Bukod sa pagkakulong, inatasan din ng Korte Suprema ang akusado na magbayad ng multang P300,000 sa kanyang pagkakasala.

Read more...