Kaso ng tigdas sa bansa higit 20,000 na; nasawi umabot na sa 315

Umabot na sa higit 20,000 ang kaso ng tigdas sa bansa batay sa pinakabagong datos ng Department of Health (DOH).

Ayon sa record ng DOH-Epidemiology Bureau ang measles cases sa bansa mula January 1 hanggang March 14 ay pumalo na sa 21,396.

Mas mataas ito sa 4,417 na kasong naitala sa kaparehong panahon noong 2018.

Ang namatay naman dahil sa sakit ay umabot na sa 315 na mas mataas sa 43 naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Pinakamataas ang bilang ng kaso ng tigdas sa CALABARZON sa 4,401; sinundan ng National Capital Region (NCR) sa 4,266; Central Luzon sa 3,409; Western Visayas sa 1,197 at Northern Mindanao sa 1,059.

Pinakamarami naman ang nasawi sa CALABARZON sa 87; sinundan pa rin ng NCR sa 85 at ikatlo ang Central Luzon sa 52.

Dahil dito, muling nanawagan si Health Secretary Francisco Duque sa mga health workers na palawakin pa ang pagbabakuna kontra tigdas.

Ani Duque, wala dapat excuse sa pagbabakuna dahil mayroong kakayahan, manpower at pondo para rito.

Read more...