Ayon kay SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police Distric Homicide Division, maraming tama ng bala ang natamo ng 47-anyos na si Melencio Alcalde.
Dagdag pa niya, ni hindi man lamang tumakbo palayo si Alcade kahit pa binaril na siya ng suspek na si Alfredo Teñoso sa harapan ng kaniyang bahay, bagkus ay lumakad pa umano ito papalapit sa suspek.
Sa halip, si Teñoso pa ang tumakbo paalis bago pa tuluyang makalapit sa kaniya ang biktima.
Ayon naman sa mga kapitbahay nila, wala namang naging alitan noon ang dalawa, bukod sa naganap noong Linggo na nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan ni Alcalde at anak ni Teñoso na si King.
Ani Bautista, naglalaro si King ng cara y cruz at natalo ng P20 sa kaniyang kapitbahay at tinukso ni Alcalde.
Sinuntok ni King si Alcalde dahil sa pagkapikon at dinala pa sila sa barangay para lamang maresolbahan ang alitan.
Nang umuwi si King, nagsumbong ito sa kaniyang ama kaya pinuntahan ni Teñoso si Alcalde sa bahay nito at binaril.