Dalawang Iraqi nationals ang namataan ng mga tauhan ng intelligence sa Sultan Kudarat.
Ang mga nasabing tauhan ay nagmamanman ng mga posibleng aktibidad sa paligid na may kaugnayan sa terorismo.
Nakita ang dalawa malapit sa pinangyarihan ng engkwentro sa pagitan ng mga pwersa ng gobyerno at ng bagong grupo ng mga kriminal na Ansar Khilafa Philippines o AKP sa bayan ng Palembang, kung saan walo sa kanilang miyembro ang nasawi kabilang na ang isang Indonesian jihadist na si Sucipto Ibrahim Ali.
Hindi pa naman matukoy ng mga militar kung ano talaga ang pakay ng mga Iraqis dito sa bansa na namataan sa may bayan ng Palembang mahigit isang linggo na ang nakalilipas.
Bilang paniniguro, isinama na rin ng mga militar ang dalawang Iraqis sa mga binabantayang dayuhan na maaring magsagawa ng terorismo sa bansa.
Samantala, naglunsad na ng mas pinaigting na operasyon ang mga militar upang masupil ang mga operasyon ng nasabing grupo.
Una nang nilinaw ng Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ni Western Mindanao Command Spokesman Maj. Felimon Tan, na walang kaugnayan ang nasabing grupo sa ISIS tulad ng hinihinala.
Bagaman may narekober silang mga bandera ng ISIS at ilang mga dokumento, iginiit niya na hindi opisyal na kinikilala ng ISIS ang AKP dahil sa kakulangan nito sa pwersa.
Hindi naman nila natukoy kung may kaugnayan ang mga ito sa Abu Sayyaf Group.