Mas mahigpit na ngayon ang pinaiiral na patakaran ng Philippine Coast Guard kaugnay sa kaligtasan ng mga bakasyonistang pupuntang Boracay mula Caticlan.
Ayon kay Lt. Edison Diaz, commander ng Coast Guard sa Caticlan, lahat ng mga pasahero ng mga motorboats papunta’t pabalik ng Boracay ay kailangan munang mag-sulat sa passenger manifest bago sila umalis.
Mas istrikto na rin ang implementasyon ng patakaran nilang kailangang naka-suot ng lifevest ang bawat pasahero para sa biyahe nila mula’t patungong Caticlan at Cagban ports.
Giit ni Diaz, mahalaga ang pagpirma sa manifest para alam nila ang bilang ng mga pasahero, maging ang pagususot ng lifejackets para naman matiyak ang kanilang kaligtasan.
Noong nakaraang buwan lamang, siyam na tao ang namatay nang lumubog ang isang pampasaherong bangka sa pagitan ng Iloilo at Guimaras, at nahirapan ang mga rescue teams na bilangin ang mga na-rescue at nawawala dahil sa kulang-kulang na passenger manifest.
Maari aniyang magdulot ito ng kaunting abala, ngunit mas maigi na ito dahil ang kaligtasan ng lahat ang kanilang pangungahing responsibilidad.
Mas pinaigting na rin ang isinasagawang inspeksyon ngayon ng Coast Guard at iba pang mga ahensya sa mga cargo boats na patungong Boracay, pati na rin ang pagpapatrulya sa dagat upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga turista.