Umapela ang environmental group na Ecowaste Coalition sa Department of Health (DOH) na ipagbawal na ang mga produktong pambata na nagtataglay ng BPA o bisphenol A.
Ang BPA ay kemikal na ginagamit sa paggawa ng hard plastic na nagdudulot umano ng endocrine at reproductive disorders.
Sa liham ng EcoWaste kay Health Sec. Francisco Duque III at sa Food and Drug Administration (FDA), sinabi ng grupo na lahat ng produktong ginagamit ng mga bata ay dapat walang BPA.
Ayon sa EcoWaste, may administrative order na noon ang DOH hinggil sa pagbabawal sa bansa sa mga baby bottles at sippy cups na may BPA.
Pero nakabinbin umano ang pagpapatupad ng polisiyang ito mula pa taong 2013.
Sa ilalim ng pamumuno ni Duque sa DOH, sinabi ng grupo na dapat ipatupad na ng kalihim ang polisiya.
Ayon sa EcoWaste, mahigit 35 bansa na ang nagpatupad ng ban sa BPA sa mga produktong pambata lalo na sa feeding bottles.