Canadian arestado sa pagpupuslit ng ephedrine sa bansa; 650 ephedrine tablets nakumpiska

BOC Photo
Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport ang 13 bote na naglalaban ng ephedrine tablets sa loob ng kahon na galing sa Ontario, Canada.

Ayon sa BOC, matapos iprisinta ng consignee ang Notice Card at kaniyang identification cards para sa nasabing kargamento ay isinailalim ito sa physical examination ng Customs Examiner.

Doon natuklasan ang 650 na piraso ng tableta ng ephedrine sa loob package.

Agad namang dinakip ang isang Canadian national na siyang may-ari ng package.

Depensa ng dayuhan, ginagamit niya ang gamot para sa fertility enhancement.

Ayon kay Investigation Agent 3 Gerald Javier, PDEA deputy inter-agency anti-drug task group commander sa NAIA, maaring legal ang paggamit ng ephedrine tablets sa bansang pinanggalingan ng suspek pero bawal ito sa Pilipinas.

Nai-turn over na ang mga tableta sa PDEA, at inihahanda na ang kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at R.A. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act laban sa dayuhan.

Read more...