Mala-APEC lanes sa EDSA, ilalatag uli ng HPG ngayong kapaskuhan

 

Uulitin ng PNP Highway Patrol Group ang APEC lanes sa ilang bahagi ng EDSA ngayong panahon ng kapaskuhan.

Pero sa halip na tawagin itong APEC lanes, tatawagin na itong ‘Christmas lanes’.

Sinabi ni HPG Director Chief Supt. Arnold Gunnacao,  na ang ilalatag na Christmas lane sa southbound ng EDSA ay magmumula sa Shaw Boulevard at ito’y didiretso hanggang SM Mall of Asia.

Ilalagay ang ‘Christmas lane’ sa pinakaloob o innermost lane ng EDSA southbound malapit sa riles ng MRT.

Paliwanag ni Gunnacao, ang mga pribadong sasakyan na papasok sa ‘Christmas lane’ ay sa Buendia Ave. at Ayala Ave. na makakalabas.

Samantala, maglalagay naman ng mga plastic barriers sa mga ‘yellow lane’ upang hindi magpalipat lipat ng linya ang mga pampasaherong bus.

Sinabi ni Gunnacao na naisip nila ito para maibsan ang Christmas rush traffic.

Samantala, may dagdag na oras naman sa trabaho ang 250 tauhan ng PNP-HPG na nagbabantay sa EDSA.

Ayon kay Gunnacao, dahil dinagdagan ang business hours ng mga shopping malls simula ngayong araw na aabot na sa alas 12:00 ng hatinggabi.

Dahil dito, 122 sa kanyang mga tauhan ay magsisimula ng trabaho ng alas-5:00 ng umaga at magtatapos ng alas-2:00 ng hapon.

Ang second shift naman ng mga HPG personnel ay papasok ng alas 2:00 pm, at magtatapos ng 12:00 AM.

Ang iba naman ay mananatiling nasa roving patrol mula alas 10 ng gabi hanggang ala 6 ng umaga.

Read more...