Ginisa ng Senado si Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) chief regulator Patrick Ty makaraang sabihin nito na walang kapangyarihan ang kanyang ahensya na pagmultahin ang Manila Water.
Sa pagdinig ng Kamara noong Lunes sa water shortage, sinabi ni Ty na hindi maaaring magpataw ang MWSS ng multa laban sa Manila Water.
Pero sa pagdinig ng Senado kahapon, inutusan ni Senate President Vicente Sotto III at Sen. Grace Poe na linawin ang kanyang naging pahayag.
Binasa ni Sen. Sotto ang bahagi ng concession agreement ng MWSS at Manila Water kung saan nakasaad na ang kabiguan ng isang concessionaire na tuparin ang kanilang obligasyon ay basehan para mapatawan ito ng multa.
Humingi ng paumanhin si Ty sa Senate panel dahil sa hindi umano niya maayos na naipaliwanag ang kanyang pahayag sa Kamara.
Nasopla rin ni Sen. Panfilo Lacson si Ty sa hindi pagsuspinde sa additional service charge para sa Cardona Treatment Plant na hindi naman nasimulan ang operasyon.
Samantala, sinabi ni TY na pinag-aaralan na nila ang multa na ipapataw laban sa Manila Water.