P1.1B halaga ng shabu narekober ng PDEA sa Muntinlupa; 4 Chinese arestado

PDEA photo

Narekober ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkasunod na operasyon ang P1.1 bilyong halaga shabu sa isang mall at sunod sa bahay sa Ayala, Alabang sa Muntinlupa City.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, tinatayang nasa 166 kilos ang nakuhang shabu sa dalawang magkahiwalay na operasyon.

PDEA photo

Nagsimula ang buy-bust operation alas 5:00 Martes ng hapon sa parking lot ng Festival Mall sa nasabing lungsod kung saan naaresto ang Chinese nationals na sina Go Kie Kie, 40 anyos, Emmanuel Pascual, 79 anyos at Chua Kian Kok.

Nakuha sa 3 suspek ang 43.5 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P295 milyon.

PDEA photo

Nahuli naman sa ikalawang operasyon ang 19 anyos na si Wuyi sa bahay sa Ayala Alabang Village na sinasabing laboratoryo ng mga droga.

Dito narekober ang 123 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P936 milyon.

PDEA photo

Ayon kay Aquino, nakalagay ang mga droga sa mga tea bags na isinilid naman sa mga lata ng biskwit.

Tinitignan ng PDEA kung ang mga nahuling suspek ay mga miyembro ng international drug syndicate na Golden Triangle na nakabase sa China.

Makikipag-ugnayan rin ang PDEA sa Bureau of Immigration kung dokumentado ang mga naarestong Chinese nationals.

Read more...