Makati City PNP pinapurihan sa pagkaka-aresto sa mga tulak ng party drugs

Inquirer file photo

Pinapurihan ni Makati Mayor Abby Binay ang Makati Police Department sa pagkakaaresto ng dalawang hinihinalang drug dealers at pagkakakumpiska ng tinatayang P1.5 Million na halaga ng party drugs.

Ang mga suspek ay naaresto kahapon araw ng Lunes sa Cityland Dela Rosa Tower 9 sa Barangay Pio del Pilar, Makati City.

Ipinahayag ng alkalde ang kanyang papuri sa pulis-Makati sa pangunguna ni PSSupt. Rogelio Simon, dahil sa masigasig at tuloy-tuloy na anti-drug campaign nito.

Pinaalalahanan din ni Mayor Abby ang condominium at condotel owners at managers na maging mapagmatyag sa anumang iligal na aktibidad tulad ng drug trade sa kanilang establisyimento, at agarang ipaalam ito sa kinauukulan.

Sa ulat ng Makati City PNP, naaresto ang 24-taong-gulang na si Adriel Ryoichi Suzuki sa Unit 736 ng Cityland 9 sa isang follow up operation na isinagawa noong March 18, matapos siyang isuplong sa Police Community Precinct (PCP) 3 ng Makati ng driver ng Grab Angkas na inatasan niyang maghatid ng isang padala sa Bonifacio Global City.

Nakuha mula sa padala ang pitong piraso ng hinihinalang ecstacy tablets.

Bunsod nito, agad nakipag-ugnayan ang pulis sa management ng Cityland 9 at isinagawa ang raid sa unit ni Suzuki kung saan lantarang naka-display ang sari-saring illegal party drugs.

Agad nilang inaresto si Suzuki at habang iniimbentaryo ang mga nasamsam na droga, nakatanggap ng text si Suzuki mula sa isa pang kasabwat na nagsabing maghahatid siya ng ecstacy sa unit nito.

Inabangan na ng mga pulis at kaagad na inaresto si Ralph Jeffrey Tulio Esteban, 23 taong gulang, pagdating niya.

Napag-alamang ang dalawang suspek ay kapwa college student sa mga pribadong paaralan sa Manila.

Inamin ng mga arestadong suspek na nagbebenta sila ng party drugs sa kanilang mga kaklase at kaeskwela.

Read more...