Aminado ang Palasyo ng Malakanyang na walang magagawa ang gobyerno sa napipintong muling pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, pandaigdigang usapin ang presyo ng produktong petrolyo.
Gayunman, sinabi ni Panelo na may ginagawa nang hakbangin ang gobyerno para malabanan ang masamang epekto nito.
Pagtitiyak ni Panelo, hindi naman pangmatagalan ang problema ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil bumabalik din naman ito sa mga susunod na araw.
“Eh, iyon namang presyo ng gasolina eh hindi ba aakyat, bababa, so sanay na tayo doon, hindi naman tayo naapektuhan nung matagalan, dahil short lang naman iyong nangyayari, lagi namang meron tayong mga kalakaran na bumabalik sa dating presyo. Ginagawa ng pamahalaan ang mga measures upang ma-neutralize natin ang masamang epekto nito,” ani Panelo.
Una rito, nagbigay na ng abiso ang mga kompanya ng langis na gagalaw ang presyo ng produktong petrolyo ngayong Martes ng mahigit piso kada litro.