Manila Water CEO Ferdinand dela Cruz humingi ng paumanhin sa naranasang water shortage

Maagang sinimulan ng House Committee on Metro Manila Development ang pagdinig sa nararanasang krisis sa tubig sa Metro Manila.

Ang pagdinig ay pinangunahan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at ng chairman ng komite na si Quezon City Representative Winston Castelo para alamin ang puno’t dulo ng kakapusan sa tubig na sinusuplay ng Manila Water sa kanilang mga kostumer.

Humarap sa pagdinig si Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Administrator Reynaldo Velasco at mga opisyal ng dalawang water concessionaire na Manila Water Company at Maynilad Water Services.

Una nang nadismaya si Congressman Castelo sa naranasang water shortage partikular sa east zone ng Metro Manila na tinawag niyang “gigantic and catstrophic.”

Sa nasabing pagdinig,  humingi ng paumanhin si Manila Water CEO Ferdinand dela Cruz sa nararanasang water shortage.

Inako din nito ang pagkakamali sa biglaang pagbaba ng supply ng tubig sa kanilang mga kostumer.

Nasa 52,000 households ang naapektuhan ng problema sa tubig sa Kamaynilaan mula noong isang linggo.

Magsasagawa naman bukas ng kaparehong pagdinig ang Senate Committee on public service ni Senator Grace Poe.

Read more...