4 menor de edad huli dahil sa pandurukot sa Quiapo, Maynila

Hinuli ng mga pulis ang apat na menor de edad dahil sa umano’y pandurukot sa Quiapo, Maynila.

Ayon sa biktima na si Naomi Laurin, habang naglalakad sila ng kanyang kaibigan sa kahabaan ng Evangelista Street noong Sabado ng gabi ay hindi niya namalayan na dinukutan pala ang kanyang bag.

Nakuha mula sa biktima ang cellphone at wallet na may lamang limandaang piso.

Dahil dito, agad na isinumbong ni Laurin sa pulisya ang krimen at sa tulong ng CCTV ng Barangay 308 ay nakita ang apat na kabataan na nakabuntot sa kanya.

Namukhaan ang apat kaya agad na ipinakalat ang mga pulis at baranggay tanod sa paligid ng Quiapo dahil inaasahang mambibiktima ulit ang mga ito.

Kahapon, araw ng Linggo ay namataan ang apat at nagbalak na namang mandukot.

Hindi naman itinanggi ng apat ang kanilang gawain.

Pero depensa ni alyas Marie na tatlong buwang buntis, kaya lamang siya nagnanakaw ay dahil may sakit ang kanyang ina.

Dati nang nahuli si Marie dahil sa kaparehong krimen sa bahagi naman ng Sampaloc, Maynila.

Dahil mga menor de edad, ang apat ay isasailalim muna sa pangangalaga ng DSWD at pag-aaralan din ng pulisya kung anong mga kaso ang posibleng isampa laban sa kanilang mga magulang.

Read more...