Malacañang idinepensa ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC

Ipinagtanggol ng Palasyo ng Malacañang sa mga kritiko ang pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Kahapon, pormal nang umalis ang Pilipinas sa pagiging miyembro ng Hague-based tribunal.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi kailanman naging miyembro ang Pilipinas ng ICC.

Ito ay dahil hindi naman umano naging State Party ang Pilipinas sa Rome Statute na bumuo sa ICC at ‘not existent’ anya ang naturang tribunal.

Sinabi pa ni Panelo na ang jurisdictional crimes na hawak ng ICC ay sakop na ng mga batas ng Pilipinas.

Kaya’t sinuman anya na nagnanais ng kabayaran para sa naranasang krimen ay maaari namang magreklamo sa mga korte ng bansa.

Matatandaang inanusyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkalas sa ICC noong nakaraang taon matapos ang preliminary investigation nito sa umano’y ‘crimes against humanity’ sa ilalim ng drug war ng Pilipinas.

Bagaman, kumalas na ang Pilipinas ay sinabi naman ng Hague-based court na itutuloy nila ang imbestigasyon.

Ayon kay Panelo, walang basehan ang ICC na ipagpatuloy ang imbestigasyon at kung sakaling ituloy nila ito, patunay lamang ito na nakikialam ang korte sa soberanya ng bansa.

Samantala, ipinagyabang ng kalihim ang judicial system ng bansa na anya’y gumagana at patunay umano rito ang hatol sa tatlong pulis na pumatay sa 17-anyos na binatilyo na si Kian delos Santos.

Read more...