VP Robredo sa China-funded na Kaliwa Dam: “Bakit uutang tayo?”

Kwinestyon ni Vice President Leni Robredo ang ginawang pagpapalit ng gobyerno sa sistema ng pagpopondo para sa P12.2 bilyong Kaliwa Dam project.

Sa kanyang radio program na Biserbisyong Leni araw ng Linggo, nais pagpaliwanagin ng bise presidente ang gobyerno kung bakit pinili nitong pondohan ang dam sa pamamagitan ng official development assistance (ODA) mula sa China.

Taong 2014, sa ilalim ng administrasyong Aquino ay inaprubahan ang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP) scheme.

Gayunman, noong March 2017, sa ilalim ng administrasyong Duterte ay isinulong na pondohan ang proyekto sa pamamagitan ng ODA mula sa China.

Giit ni Robredo, bakit mas gugustuhin na umutang kaysa wala dapat gagastusin.

“Kasi nung 2014, ‘yung approved na project talagang walang gagastusin ‘yung gobyerno… Bakit uutang tayo na pwede namang hindi tayo gagastos?” tanong ng bise presidente.

Noong 2017 ay pinirmahan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang financing agreement kung saan magpapautang ang China ng $234.92 milyon para sa Phase 1 ng Kaliwa Dam at Phase 2 ng Laiban Dam.

Nakatakda dapat pirmahan ang final loan agreement noong November 2018.

Samantala, nababahala naman si Robredo sa mga komunidad na maaapektuhan ng konstruksyon ng dam sa General Nakar, Infanta at Real Quezon.

Ang Kaliwa Dam ang sinasabing solusyon para matugunan ang lumalaking demand sa tubig ng Metro Manila at Rizal.

Read more...