“Dapat tiyakin at tukuyin kung may banta nga ba ng ISIS sa Pilipinas” – Off Cam ni Arlyn Dela Cruz

ISIS in MindanaoDati nakatuon sa Al-Qaeda ang lahat ng pagsisikap lalo na ng mga malalaking bansa kontra terorismo. Nang ideklarang patay na si Osama Bin Laden, humupa ang atensiyon sa grupong Al-Qaeda bagaman sa katunayan ay hindi naman ito tulyan pang nawawala at nananatiling banta.

Ngayon naman sa grupong ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) ang grupong tinutukoy na pangunahing may kakayanang maghasik ng terorismo at banta sa seguridad ng maraming bansa at kabilang na ang Pilipinas.

Ang kaibahan nga lamang dito sa Pilipinas, hindi kinukumpirma ng pamahalaan ang pagkilos na ng galamay ng ISIS. “No credible threat,” yun ang pagkabig agad ng Palasyo ng Malakanyang sa sinasabing pagkakaroon na ng ISIS sa Pilipinas. Madali namang unawain at bigyan ng katwiran ang mga pahayag ng opisyal ng Malakanyang na tulad ni Communications Secretary Sonny Coloma. “Anumang ulat ng banta, ito’y for verification pa ng intelligence community”. Safe answer and expected answer lalo pa’t naipakita na ng ISIS ang kanilang walang habas at walang awang pagkitil sa buhay nang ganun-ganun na lamang tulad ng nangyari sa Paris, France noong ika-13 ng Nobyembre.

Pero ang mga tanong na dapat sagutin bago usisain o kalkalin ang banta ng ISIS sa Pilipinas ay unang-una, yung tanong na kung may ISIS na nga ba sa Pilipinas? Sa anuman bantang pang-seguridad, ang kamalian sa paglalapat ng solusyon ay nangyayari sa hindi pagkilala sa pag-iral ng isang problema. Minamaliit ang problema hindi dahil sa wala ito kundi dahil sa takot na makasama ito sa imahe ng pangangalaga ng pamahalaan sa seguridad ng bansa laban sa mga grupong tulad ng ISIS.

At kung wala pang ISIS dito, mayroon na nga bang mga dati ng grupong armado na sumusuporta o umaayon ng kanilang galaw o pag-kilos na naaayon sa kung anumang layunin ng ISIS? Kung mayroon, sinu-sino o alin-aling mga grupo ang may pagkiling o may bakas ng pagpapakita ng simpatiya sa galaw ng ISIS?

Kamakailan sa Palembang, Sultan Kudarat, walong miyembro ng grupong tinukoy ng militar na Ansarul Khalif ang napatay at kabilang dito ang isang Indonesian national na kinilala sa pangalang Sucipto Ibrahim Ali alias Abdul Fatah. Si Fatah ay sinasabing miyembro ng Mujahidin Indonesia Timur na una nang napaulat na may kaugnayan sa ISIS. Maliban sa mga ISIS flags at iba pang mga babasahin na may kaugnayan sa ISIS, wala raw ibang kongkretong patunay na ang grupo ngang nakabangga ng militar ay may kaugnayan o kundi man, may simpatiya o pakikipag-kaisa sa ISIS.

Kung may mga grupong sumisimpatiya o kumikilala sa ISIS, ang kasunod na tanong ay kung ang mga grupong ito ba ay kinikilala ng ISIS. Puwedeng gumalaw o magsagawa ng mga pagkilos ang mga grupong may simpatiya o may pakikipagkaisa sa ISIS nang walang direktang suporta ng ISIS ngunit iba kung may direktang suporta at ugnayan. Ito’y dapat na tukuyin at tiyakin.

Kung pag-aaralan ang pag-usbong ng mga grupong may radikal na interpretasyon o pagsasabuhay ng kung ano ang nilalaman ng Quor’an, makikita na ang magkakatulad na adhikain saan mang panig ng mundo ito umusbong ay ang pagnanais na magkaroon ng isang Islamic Caliphate o isang Islamic State. Walang masama per se sa pagnanasa o pag-asam na magkaroon ng isang Islamic State kung ikaw ay isang Muslim o nasa ilalim ng relihiyong Islam. Nagkakatalo , maging ang kanilang mga scholars sa interpretasyon sa kung paano at hanggang saan ito ipapatupad o isasabuhay katulad ng may pagtatalo din sa hanay nila kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng jihad at kung anong uri ng banal na pakikidigma ba ang tinutukoy dito.-Ibang talakayan ito.

Sa ngayon, malinaw na sa iba’t ibang panig ng daigdig ngayon, malaki o maliit mang bansa, may mga grupong maliit o malaki kaya na dahil sa malaya at mabilis na ugnayan ng mundo ngayon sa pamamagitan ng internet ay maaaring nagkakaugnayan hindi para magpayabong ng kabutihan kundi para maghasik ng kasamaan.

Kasunod ng naganap sa Paris, naipakita ang maaaring gawin ng isang determinadong grupo gaano man ito kaliit para maghasik ng takot sa mas nakararaming bilang ng mamamayan.

Sa kaso ng Pilipinas, makatutulong sa pagsugpo sa anumang banta kung kikilalanin ang mga nasumpungang indikasyon na nakarating na nga dito ang impluwensiya ISIS at hindi yaong pilit na winawalis lamang sa ilalim ng mga upuan upang hindi makita ang duming isang araw, maaaring makapuwing. (wakas)

Read more...