Nanay ni ‘Pastillas Girl’, nakatanggap na ng death threat bago ang pamamaslang

Pastillas
From CCTV footage

May natanggap na noong pagbabanta sa kaniyang buhay ang nanay ng on-line at TV personality na si Pastillas Girl.

Si Maria Teresa Yap, na kasalukuyan ding Barangay Kagawad sa Caloocan City ay binaril at napatay kagabi.

Ayon sa ina at kapatid ni Yap, nakatanggap na ito noon ng text message na tila ba pinagbabantaan ang kaniyang buhay. Partikular umanong binanggit sa mensahe na hindi na siya aabutin ng pasko.

Pero hindi umano ito sineryoso ni Ginang Yap, at itinuring na biro lamang.

Itinuturing din na person of interest ng mga pulis ang boyfriend ni Yap, dahil on and off umano ang kanilang relasyon. Maging ang nanay ni Ginang Yap ay nagsabing “alam niyang may problema sa karelasyon ang anak”.

Emosyonal naman si Angelica Yap, alyas Pastillas Girl sa sinapit ng kaniyang ina.

Ayon kay Angelica, nasa isang music video shoot siya sa Bulacan nang makarating sa kaniya ang balita. Kinumpirma rin ni Angelica na may mga natatanggap na banta sa kanyang buhay ang kanyang ina ngunit hindi nagbabanggit ng pangalan ang kanyang ina kung kanino maaaring nagmula ang mga banta.

Ang pagpatay kay Ginang Yap ay nakuhanan ng CCTV sa lugar. Nakita rin sa nasabing CCTV ang suspek na nakasumbrero nang lumapit sa biktima at saka ito pinaputukan.

Nauna sa lugar ang suspek ayon sa ilang saksi at nagtanong pa umano sa mga naroon ng ganito, “Kung ako ba ay may papatayin dito, may tutulong ba?”

Hindi inakala ng mga naroon na totoong gagawin ito ng lalakeng hindi pa natutukoy ng mga otoridad hanggang sa ngayon.

Read more...