San Miguel Corporation may alok na 140 million liters ng tubig kada araw

Nagpahayag ng kahandaang tumulong ang San Miguel Corporation sa nararanasang water shortage sa East Zone ng Metro Manila.

Ayon sa SMC, kaya nilang makapagbigay ng 140 million liters ng malinis na tubig kada araw mula sa kanilang Bulacan Bulk Water Treatment Plant.

Hihintayin lamang anila ang pagpayag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Noong Enero pa lamang ay nagawa na umano ng SMC na mapatakbo ang stage 1 ng kanilang Bulacan Bulk Water Project.

Ang stage 1 ay may production capacity na 200 million liters ng tubig kada araw ngunit 60 million mld lamang ang nagagamit dahil ang ilang water districts ay hindi pa handang tumanggap ng tubig mula sa pasilidad.

Dahil dito ay mayroon silang sobrang 140 mld na maaaring ibigay sa East Zone at makatutulong sa 2 milyong katao o 455,000 kabahayan.

Ayon kay SMC President at COO Ramon Ang, ramdam nila ang sitwasyon na sinasapit ng mga mamamayan sa kakulangan sa tubig at ang pinakamagandang gawin sa ngayon ay magtulungan.

Kakailanganin ng San Miguel ang 14,000 na truck trips kada-araw na may 10-kiloliter tankers o 7,000 truck trips na may 20-kiloliter tankers para maihatid sa mga residente ang 140 mld ng tubig.

Makikipag-ugnayan umano sila sa MWSS at local government units para sa mga kakailanganing trucks.

Read more...