Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na pakilusin ang Manila Water at Maynilad para maibsan ang nararanasang water shortage sa Metro Manila at mga bayan sa Rizal.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, batid ng pangulo ang nararanasang paghihirap ng mga residente dahil sa kakapusan ng suplay ng tubig.
Dahil dito, inatasan ng pangulo ang MWSS na obligahin ang Manila Water Company, Inc., at ang Maynilad Water Services, Inc. at iba pang responsableng ahensya o tanggapan na mag-release ng tubig mula sa Angat Dam epektibo ngayong tanghali ng Biyernes, Mar. 15.
Ang irerelease na tubig mula sa Angat Dam ay dapat kayang tumagal ng 150 araw upang masuplayan ang mga apektadong lugar sa Metro Manila at Rizal.
Dapat ding matiyak na maipapamahagi ito ng patas at tama sa mga apektadong reisdente.
Ang sinumang mabigo na tumugon sa utos ng pangulo ayon kay Panelo ay si Pangulong Duterte mismo ang hahabol at titiyak na sila ay mananagot.