Sa pagpasok ni Davao City mayor Rodrigo Duterte sa presidential race, lalong nagka-problema ang kampanya ni Mar Roxas.
Bago mangyari ito, nagaganap ang “implosion” sa partido dahil sa tatlong isyu. Una, bukod kay Mar, suportado rin daw ni PNoy si Senador Grace Poe.
Ikalawa, ang pag-alinlangan sa “winnability” ng kanilang kandidato. At ikatlo, hindi rin makagalaw nang husto ang LP sa Malakanyang dahil sa lumalakas muli ang hidwaan ng Balay ni Roxas at ng Samar faction ni Executive Secretary Paquito Ochoa na tila iba ang kandidato.
Ayon sa mga political analysis, habang dumadami ang bilang ng kandidato lalong humihina ang tsansa ni Roxas na Manalo.
Sa nakaraang mga survey, malakas na “third placer” si Roxas pag tatlo lang ang naglalaban-laban, pero pag lima na, lalo ngayong pumasok na si Duterte, nasa ika-apat na siya.
Anim na buwan bago ang May 12 polls, lima ang deklaradong tatakbo, isa ay merong sakit (Miriam Santiago), na ayon sa ilang observer ay posibleng umatras anytime; dalawa naman ang may disqualification case (Poe at Duterte) sa Commission on Elections.
Si Binay ay pinamamalitang ipapakulong daw bago mag-eleksyon pero mukhang malabo pa dahil sa mga kwestyon sa merito ng kaso at sa dadaanang mahabang proseso.
Kahit sinong abugado ang tanungin ko, lumi-litaw na talagang “disqua-lified” itong si Poe dahil sa pagiging “naturalized citizen” at kulang sa 10-year residency (domicile) requirement ng Konstitus-yon.
Nakita iyan sa desisyon ng tatlong Supreme court associate justices na bumoto laban kay Poe sa SET. Isa ring palaisipan sa akin ang pahayag ni Poe na kung siya ay madidisqualify, si Binay ang ma-nanalo.
Ito ba’y mensahe sa Comelec at PNoy na nagsabi ring payagan na lamang siyang tumakbo? Sa kabila nito, hindi na ako magtataka kung ang 7-man Comelec ay i-disqua-lify itong si Poe anumang araw ngayon. Lalo na’t karamihan ng mga commissioners diyan ay merong koneksyon sa partido ni Roxas. At sa Liberal Party, pabor ang pagkawala ni Poe dahil mabubuo sa kanila ang suporta ni PNoy, matitigil ang away-away, at mas gaganda ang “winnability” ni Roxas.
Sa isang banda, itong disqualification case kay substitute candidate Duterte ay “up in the air” na kailangang suriin nang husto ng mga matatalinong Liberal.
Ma-didisqualify din ba si Duterte? Kung hindi naman, mas malaki ba ang tsansa ni Roxas kung kalaban sina Duterte at Binay? Tingin ko mahihirapan.
Kanino ba sa tatlo mapupunta ang boto para kay Poe? Sa aking palagay ang gusto ng LP ay mas kumonti ang kandidato, dahil maliwanag na mas pabor ito kay Roxas.
Dalawa ang posibleng gawin, i-disqualify si Poe para mabuo muli ang koalisyon at paatrasin si Santiago, na sumisira sa balwarte ni Roxas sa Wes-tern Visayas at sa kabataan.
Pwede ring i-disqualify ng Comelec pareho sina Poe at Duterte nang sa ganoon ay tatlo rin ang maglalaban, Roxas-Binay-Miriam na mas gugustuhin ng partido kaysa Duterte-Binay-Roxas. Marami pang mangyayari, pero ang natitiyak ko, hinding-hindi basta bibitaw sa kapangyarihan itong LP at gagalaw ito “by hook or by crook.”