Iba’t ibang bansa, may mga protestang ikinasa para sa gaganaping COP 21

 

Marianne Bermudez/Inquirer

Libo-libong mga tao ang nag-martsa at nagsagawa ng kilos protesta sa iba’t ibang panig ng mundo para manawagan sa mga pinuno ng mga bansa na bumuo na ng kasunduan sa gaganaping climate change summit sa Paris.

Dito sa Pilipinas, libo-libong mga Pilipino kabilang ang mga katutubo, environmental activists mula sa Kalikasan People’s Network for the Environment, mga kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga Katoliko ang nagtipon-tipon.

Nag-sagawa sila ng Climate Solidarity Prayer sa Plaza Rajah Sulayman sa Maynila dala ang mga placards na nananawagang ipagbawal na ang mga coal plants at coal mining sa bansa kasabay ng pagsasadula ng sakunang dala ng bagyong Yolanda.

Sa Paris naman, may plano ang mga aktibista na gumawa ng human chain na bubuuin ng nasa 3,400 katao sa 3 kilometrong daan mula sa Place de la Republique patungong Place de la Nation.

Ayon kay Iain Keith, isa sa mga organizers, sisimbolo ito sa pagka-kapit bisig ng buong mundo.

Nilinaw naman ng French Climate Action Network na hindi nito lalabagin ang state of emergency na umiiral sa France at hindi rin ito magiging abala dahil mapuputol naman ang human chain sa mga tawiran.

Samantala, sa hiwalay naman na pagkakataon, nagapadala ng kani-kanilang mga sapatos sa Paris ang nasa 10,000 na demonstrador mula sa iba’t ibang bansa.

Dahil kasi sa umiiral na state of emergency sa France, hindi sila pinayagang ituloy ang kanilang pagma-martsa, kaya naman ang kanilang mga sapatos na lamang ang dumating doon bilang simbolo rin ng pagkakaisa.

Ayon sa mga organizers, isang pares din ang dumating mula sa Vatican para kumatawan kay Pope Francis.

Samantala sa Australia, nasa 5,000 katao ang nag-martsa para tutukan ang epekto ng climate change sa kalusugan, food security at pag-unlad ng mga mahihirap na bansa sa mundo.

May mga faith groups din na nakakolekta ng 1.8 milyong mga pirma mula sa mga pilgrimages para sa serye ng mga petisyong dadalhin sa Paris.

 

 

Read more...