DSWD Sec. Dinky Soliman, ayaw maging Senador

dinky soliman
Mula sa Cebu Daily News

Muling iginiit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman na wala siyang planong sumabak sa Senatorial Race sa 2016 Elections.

Katwiran ni Soliman, taliwas sa iba pang miyembro ng Gabinete na kumpirmado nang tatakbo sa pagka-senador, hindi siya sasali dahil isa siyang manggagawa at hindi mambabatas.

Sinabi ni Soliman na sa ngayon, abala siya sa kanyang trabaho sa DSWD, lalo na sa mga proyekto na isinusulong ni Pangulong Noynoy Aquino na nais maisakatuparan bago matapos ang termino nito.

Kanina, nanguna si Soliman sa isang press conference sa tanggapan ng DSWD sa Quezon City, kung saan in-update nito ang media ukol sa Pantawid Pamilya Program ng administrasyon.

As of May 27 aniya,  nasa 4.4 Milyong pamilyang Pilipino ang nakarehistro bilang benepisyaryo ng programa, kabilang na ang siyam na milyong kabataan sa mga paaralan.

Ipinagmalaki rin ni Soliman na dahil sa pagpapalawig ng Pantawid Pamilya, tumaas ang bilang ng mga enrollees sa pre-school at elementarya.

Para naman sa mga estudyante sa kolehiyo, ipinatupad na aniya ng DSWD ang Students Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation, kung saan tiyak na makakakuha ng College education ang nasa 36,000 na kabataan.

Matunog na tatakbo sa pagka-senador sina MMDA Chairman Francis Tolentino, Energy Sec. Jericho Petilla, TESDA Director General Joel Villanueva at marami pang iba./ Isa Avendaño-Umali

Read more...