Ayon sa Comelec, ipa-prayoridad ng mga supplier ang pagbibigay ng sapat na supply ng kuryente sa mga polling center.
Sinabi ni Comelec Spokesman Dir. James Jimenez, nagkaroon na sila ng dayalogo sa mga power producers para mailatag ang kanilang mga contingency plan para hindi mabalam ang kabuuang proseso ng halalan.
Sinabi ni Jimenez na bukod sa naka-disenyo ang mga gagamiting Vote Counting Machines o VCM sa pangmatagalang gamit nito, may mga nakahanda rin silang generators na available sakaling magkaroon ng malawakang brownout.
Nangako na rin anya ang mga power supplier na bibigyang prayoridad ang mga polling places na mawawalan ng supply ng kuryente.
Nais ng Comelec na makakuha ng maagang impormasyon sa mga power producer sakaling maging manipis ang supply ng kuryente o humantong sa blackout ang sitwasyon para maaga din nilang mai-pwesto ang mga generator sa mga apektadong lugar.
Ngayon pa lang, nakiusap na ang Comelec sa mga botante na agahan ang pagboto para hindi na abutin ng dilim sa mga polling places.