Tinupok ng apoy ang 10 bahay na pawang gawa sa light materials sa Tres de Abril, Barangay Labangon, Cebu City, madaling araw ng Huwebes, March 14.
Nasawi sa sunog ang may-ari ng bahay na pinagmulan ng apoy at nasugatan naman ang dalawa nitong kamag-anak.
Nakilala ang nasawi na si Mario Abella, 65 taong gulang habang ang mga nasugatan naman ay isang 34 taong gulang na babae na nagtamo ng first degree burn sa likod at isang pitong buwang gulang na sanggol na lalaki na nagtamo naman ng first degree burns sa kaliwang kamay at likod.
Inaalam pa ng mga otoridad ang relasyon ng dalawang nasugatan sa nasawi.
Ayon kay Cebu City Fire Marshall Fire Chief Inspector Noel Ababon, nagsimula ang sunog alas-2:32 na agad na kumalat sa siyam na ibang pang kalapit na bahay na gawa sa light materials, idineklarang fire under control ang sunog alas-3:25 ng umaga at alas-4:35 ng umaga ng idineklarang fire out.
Hanggang sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang sanhi ng sunog.
Sinabi naman ng apo ni Abella na si James Adorable sa Cebu Daily News Digital na posibleng naiwan ng kanyang lolo na makakalimutin ang pinakuluang tubig at naiwan na posibleng pinagmulan ng sunog.
Ito na ang ikalimang sunog na naganap sa Cebu City simula noong March 1 na Fire Prevention Month.