Duterte: PDEA agents na nakapatay sa bigtime party drug dealer, may reward

Credit: GABRIEL PABICO LALU / INQUIRER.net

Tatanggap ng cash reward ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsagawa ng buy bust operation na nagresulta sa pagkapatay sa umanoy bigtime party drug dealer na si Steve “John” Pasion.

Sa kanyang talumpati sa kampanya ng PDP-Laban sa Isabela, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sinabihan niya si PDEA director general Aaron Aquino na tatanggap ang kanyang agents ng “prize” dahil sa pagpatay kay Pasion.

“Kagabi nag-usap kami ni Aaron Aquino tapos sabi niya: ‘Sir, namatay na yung number one distributor ng ecstasy.’ Sabi ko: ‘Announce mo: One million, five [hundred thousand pesos ]. Sabi ko: ‘May prize kayo,” ani Duterte.

Napatay si Pasion noong Lunes ng gabi sa buy bust operation sa parking lot sa kanyang condominium unit sa Barangay 310 sa Sta. Cruz. Manila.

Arestado ang girlfriend nito na si Irene “Sophie” Mercado.

Nakuha sa condo unit ni Pasion ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6 milyon, tatlong bote ng liquid ecstasy na nagkakahalaga ng P75,000 at drug paraphernalia.

Ayon sa PDEA, ginagamit ang condo unit ni Pasion bilang warehouse ng imported drugs.

Sinabi rin ng PDEA na kabilang sa mga kliyente ng drug dealer ang mga artista at modelo, dalawa sa mga ito ay isinailalim sa surveillance ng ahensya.

Read more...