Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na limang hospital sa east zone ang dumaranas ng water interruptions sa loob ng ilang nakalipas na mga araw.
Kabilang dito ang Rizal Medical Center sa Pasig City; National Center for Mental Health sa Mandaluyong City; National Kidney and Transplant Institute at Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City.
Ang nasabing mga ospital ay sinusuplayan ng tubig ng Manila Water Co.
Nauna dito ay nakipag-ugnayan si Duque sa mga opisyal ng Manila Water Co. para tiyakin na hindi kapusin ng suplay ng tubig ang mga ospital sa mga lugar na sakop ng nasabing water company.
Sinabi ni Duque na mahalaga ang tubig sa mga opistal para mapanatili ang tamang sanitation at maiwasan ang pagkalat ng mga sakit.
Nauna nang sinabi ng pinuno ng Rizal Medical Center na sampung tanker ng tubig ang karaniwang ibinibigay sa kanila ng Manila Water Co.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng naturang kumpanya na tatagal pa ng ilang buwan ang kakapusan ng tubig sa kanilang mga sakop na lugar dahil sa patuloy na pagbaba ng water level sa La Mesa Dam.
Ngayong linggo ay inaasahan naman na matutuloy na ang pagbibigay ng Maynilad Water Services ng tubig sa mga consumers ng Manila Water Co.