Nanindigan ang Philippine delegation to European Union na hindi junket ang ginawa nilang pagbiyahe sa Europe o ang truth caravan noong February 17 hanggang 20.
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni AFP deputy chief for civil military operations BGen. Antonio Parlade na unfair o hindi patas na tawaging junket ang truth caravan.
Paliwanag ni Parlade, itinama nila ang maling impormasyon na nakararating sa international community ukol sa involuntary disappearances at anti-communist terrorist group.
Sinabi pa ni Parlade, kung tutuusin ay apat o limang beses nang inimbatahan ang AFP maging ang Philippine government para sagutin ang mga katanungan ng United Nations pero ngayon lamang nila ito pinaunlakan.
Hindi naman nasagot ni Parlade kung magkanong halaga ang nagastos ng pamahalaan sa pagbiyahe ng Philippine delegation sa Europe partikular sa mga bansang Bosnia, Switzerland at Belgium.
Ayon kay Parlade, dahil sa naturang biyahe ay mapipigilan na ang pagpopondo ng EU sa mga non-government organizations na nagsisilbing front ng Communist Party of the Philippines.
Kabilang dito ang Ibon Foundation, Karapatan at Kilusang Mayo Uno (KMU).